Thursday, August 7, 2008

Unang Nobela - CHAPTER 1


Bukas magkikita kami. Sa tapat ng malaking orasan sa bayan—doon kung saan sa kabila ng walang tigil na paggalaw ng oras ay ang pagtigil ng bawat sandali habang magkasama kami. Sa bayan. Maraming tao. Maingay. Masaya. Sa bayan.


Hindi mahirap mamuhay sa bayan namin. Simpleng pamumuhay ng mga simpleng tao. Halos magkakakilala lahat ng tao dito. Ang bayan ng El Dionisio. Dito ako ipinanganak, nagkamulat, natuto. Andito ang pamilya ko, mga kaibigan ko, ang buhay ko.


Sa bayan. Maraming sasakyan. Kung ang mismong bayan lang ang pagbabasehan, maaari ko ng sabihing maunlad na ang aming bayan. Maraming establisimiyento, maraming hindi naman matataas pero magagandang gusali. Halos magkakatabi lang ang simbahan naming malaki at lumang-luma na, ang munisipyo, at ang plaza. Sa gitna ng parisukat na plaza ay ang isang matayog at matabang poste. Sa itaas nito ay ang orasan. Ang orasang ito ang basehan ng bawat kilos at gawain sa aming bayan. Mula sa paggising, hanggang sa pagpasok sa eskwela ng mga kabataang nag-aaral, hanggang sa pagsisimula ng pagsisilbi ng mga opisyal ng bayan sa munisipyo, hanggang sa pagsisimula ng maingay na kalakalan sa palengke, hanggang sa oras ng paghahain ng tanghalian, ng hapunan, sa pagsasara ng tindahan ni Ka Simon, hanggang sa pagtulog ng bawat mamamayan ng El Dionisio.

Sa palibot ng bayan ay ang mga kabahayan kung saan naninirahan ang bawat mamamayan. Taliwas sa itsura ng bayan, sa tinatawag naming “looban” (lahat ng parte ng El Dionisio na nasa labas ng mismong bayan ay ang looban). Magkakalapit lang ang mga bahay sa lahat ng looban. Walang bahay ang makikitang nag-iisa lamang sa isang parte at malayo sa ibang kabahayan. Kung gaano kadami ang mga bahay sa looban, ganoon din kadami ang mga puno sa paligid ng mga kabahayan kaya kahit gaano kataas ang sikat ng araw, hindi sumasakit ang balat ko sa init. Dahil sa lahat ng parte ng looban, may masisilungan ka. Hindi tatama ang sikat ng araw sa balat mo nang ganoon katagal dahil tatakpan ito agad ng mga dahon ng mga nagtatayugang puno.
Payapa sa bayan ng El Dionisio. Lahat masaya, lahat kuntento.


Bukas magkikita kami sa bayan. Sa dati naming tagpuan. Sa tapat ng orasan. Ang orasan na palihim na kumukontrol sa bawat buhay ng mga taga-El Dionisio. Sa buong El Dionisio. Ang orasang siyang magtatakda ng buhay ko. . . ng kapalaran ko.

Bukas magkikita kami sa tapat ng orasan. Bukas, dapit-hapon, alas-singko y media ng hapon. Bukas, magkikita kami ni Lemuel.

3 comments:

Anonymous said...

So good......

missytotters said...
This comment has been removed by the author.
missytotters said...

thanks...first comment that i can read on here on my site..lol..
dont worry, still working on the other chapters..=) be posting the 2nd chapter..=) God bless..