Bagong salta sa bayan namin si Lemuel. Lem na lang daw for short. Isang buwan pa lang siya dito sa bayan kung hindi ako nagkakamali. Apo siya ni Ka Simon, 'yung may-ari ng isa sa pinaka-malaking tindahan na nasa bayan. Nasa gilid lang ng munisipyo ang tindahan ni Ka Simon. Kilala si Ka Simon sa bayan. Lahat yata mula sa mga ka-edad ng mga magulang niya na nabubuhay pa hanggang sa mga paslit na pumapasok sa Day Care sa looban ay kilala siya. Isa na nga yatang pagkakakilanlan ng bayan namin ang tindahan niya.
Mabait si Ka Simon. Minsan nga lang, masungit siya sa mga tambay sa tapat ng tindahan niya lalo na kapag sobrang ingay ng mga ito at inaabot ng alas-diyes ng gabi kung kelan nakasara na sana ang tindahan niya. Pero iginagalang siya ng lahat. Pati ng mga tambay na madalas niyang nakakagalitan. Sa maniwala kayo't sa hindi, ni minsan, walang nagtangkang pagnakawan ang tindahan niya. Matulungin din kasi si Ka Simon. Kapag may nangangailangan, basta't mayroon siya ay magbibigay ito ng tulong. Kunsiyensya na lang ng taong maisipan siyang gulangan. Madalas ay sinusulsulan siya ng mga tao na tumakbo sa eleksyon para sa kahit anong posisyon sa bayan namin pero ni minsan ay hindi siya napilit. Ang sabi niya, hindi naman daw kailangang may pwesto ka para makatulong sa mga kababayan. Hindi siya mayaman, pero hindi siya nawawalan ng kahit anong maibibigay para itulong sa mga nangangailangan.
Naaalala ko pa noong nag-aaral pa lang ako sa elementarya, nahulog 'yung pencil case ko sa creek na malapit sa looban. Laman ng case na 'yon ang lahat ng lapis at pambura ko. Pati 'yung paborito kong ballpen na may mabangong amoy ay andoon. Inanod ito ng tubig at hindi ko na alam kung paano ko pa makikita ulit. Hindi ko na muna sinabi sa mga magulang ko dahil sigurado naman ako na pagagalitan nila ako. Sasabihin na naman nila na hindi ako marunong mag-alaga ng mga ibinibigay sa akin. Pinapahalagahan ko naman lahat ng ibinibigay sa akin. May mga pagkakataon lang talaga na may mawawala o masisira. Ganun talaga eh.
Pumasok ako sa eskwela na walang dalang kahit anong panulat. Naisipan ko na lang na manghiram sa mga kaklase ko. May nagpahiram naman sa akin pero kukunin din daw niya pagkatapos ng klase. Nang mag-recess, pumunta ako sa tindahan ni Ka Simon kung saan ako madalas bumibili ng pagkain ko. Madaldal ako talaga. Ma-kwento. Kaya noong pumunta ako noong umagang 'yon sa tindahan niya, nahalata niya agad na malungkot ako. Nang malaman niya ang nangyari sa pencil case ko, walang sabi-sabi, kumuha siya ng paninda niyang pencil case sa tokador niya, nilagyan niya ito ng dalawang lapis, isang pambura, at isang kulay itim na ballpen at saka ibinigay sa akin. Siyempre natuwa ako. Kahit hindi mabango 'yung ballpen na binigay ni Ka Simon, masaya pa rin ako siyempre dahil may kapalit na 'yung inanod kong pencil case at hindi na ako mapapagalitan ng mga magulang ko.
Kung gaanong kabait si Ka Simon, siya namang sungit ni Lem. Antipatiko, maangas pero hindi naman hambog. Suplado pero magalang naman sa mga nakakatanda. Madalas nga ay siya na ang nagbubukas at nagsasara ng tindahan ng lolo niya para naman maka-pagpahinga naman ito ng maaga. Noong una kaming nagkakilala ni Lem, nanananghalian siya at sobrang tagal niya bago lumabas kaya nainis ako. Masungit siyang bumungad sa harapan ko kaya lalong uminit ang ulo ko. Napagkamalan ko pa siyang katulong ni lolo dahil wala namang asawa ni Ka Simon para pag-isipan ko na mayroon siyang apo. Si Lem, apo pala ng ate ni Ka Simon.
Si Lem.
No comments:
Post a Comment